[ENGLISH] [FILIPINO]

Pahayag ng Pakikiisa at Art Exhibition

Bilang tugon sa deadline sa 31 Disyembre para sa pag-alis ng mga unconsolidated na prangkisa ng Public Utility Jeepneys (PUJs) at Utility Vehicle (UV) Express units, gumawa kami ng Ad Hoc na Koalisyon ng mga Filipinong Manlilikha upang pagbuklurin ang aming mga komunidad sa buong Filipinas at sa diaspora na manindigan sa mobilidad at katarungang pangklima sa ating mahal na bansa. Sa pagsasama-sáma ng mga manunulat, artist, designer, retratista, technologist, at iba pang Filipinong Manlilikha, hangad ng alyansa na magbigay sa isinasagawang kampanya ang pagtiyak sa pagkakaroon ng transportation system development plan na patas, makatarungan, at pinangungunahan ng komunidad.

Pumirma sa petisyon. 

Mga Larawan ni Jilson Tiu

Para kay Pangulong Marcos Jr.:

Malapit na táyo ngayon sa 31 Disyembre 2023, ang deadline para sa pagtanggal ng mga unconsolidated na prangkisa ng  Public Utility Jeepneys (PUJs) and Utility Vehicle (UV) Express units bílang bahagi ng ngayo’y anim na taon nang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Ngunit kahit sa paghihintay sa sandaling ito, kapuwa binigo nang labis ng PUVMP ang pag-asa ng pamahalaan at taumbayan. Naligtaan nito ang pagkakataon na makagawa ng epektibong solusyon dahil sa kakulangan sa maayos na konsultasyon kapuwa sa mga eksperto sa industriya at apektadong pangkat. Maganda sana na ang aspirasyon ng PUVMP ay makakamit sa pamamagitan ng transisyon mulang grassroots na patas at makatarungan, nakatindig sa impraestruktura at sistemang ginawa kasama ang mga apektadong komunidad. Oo, kailangan nating tumugon sa pandaigdigang krisis sa klima, pero dapat multisektoral at holistiko ang anumang solusyon sa problemang pangklima, dito ang lahat—lalo na ang pinakabulnerableng populasyon—ay kinakausap at kinokonsulta.

Kami, ang mga Filipinong Manlilikha, ay nagpapahayag ng aming pakikiisa sa mga transport group, operator, komyuter, at lahat ng mga kampeon para sa mobilidad at katarungang pangklima sa pambansang panawagan para irekonsidera ang deadline na 31 Disyembre para sa Franchise Consolidation at muling tingnan ang PUVMP sa pakikipagtulungan sa mga driver at operator ng jeepney at UV Express. Malaki ang epekto sa napakaraming driver, operator, at kanilang pamilya, pati na ang di-mabilang na mga komyuter na kanilang pinaglilingkuran sa pagmamadali ng implementasyon ng programa sa kasalukuyan nitong estado kung walang wastong preparasyon. At, bilang pinakamataas na inihalal na opisyal ng bansa, nakasalalay ang kanilang kapakanan sa inyong desisyon sa kritikal na sandaling ito.

Kayâ humihiling kami, na bilang pinakamataas na inihalal na opisyal ng bansa, na ang inyong tanggapan ay mag-isyu ng Executive Order na magtatanggal sa deadline na 31 Disyembre para sa  Franchise Consolidation ng mga jeepney, at magbigay pa ng panahon at suporta sa mga jeepney driver at operator para makatugon sila rito. Noong 2017, pinasimulan ng gobyerno ang PUVMP sa pamamagitan ng Department Order No. 2017-11 ng Department of Transportation (DOTr), na kilala rin bilang Omnibus Guidelines on the Planning and Identification of Public Road Transportation Services and Franchise Issuance, o ang Omnibus Franchising Guidelines (OFG). Hangad ng programang modernisasyon ang sumusunod:

  1. Matugunan ang epekto sa kalikasan mula sa polusyong likha ng tradisyonal na PUV;
  2. Mapaunlad ang danas sa pag-commute sa pagbibigay ng mas komportable at marangal na anyo ng transportasyon; at,
  3. Paangatin ang kabuhayan at kapakanan ng mga nagtatrabaho sa transportassyon.

Ngunit ang programa ay may malalaking pagkukulang:

Kinakapos nang husto ang PUVMP bílang tunay na solusyon sa krisis pangklima. Habang kinikilala natin na may mabuting intensiyon ang PUVMP kaugnay ang proteksiyon sa kalikasan, partikular sa pagtugon sa problema ng polusyon sa hangin at carbon emission dahil sa pagsunog ng petrol, nagmimintis ito sa aktuwal na epekto ng sektor ng publikong transportasyon sa kalikasan—2% lámang ang PUV sa pangkalahatang bílang ng sasakyan sa bansa, habang 98% naman ang mga sasakyang nása pribadong pagmamay-ari. Ang pagtugon sa polusyon ay nangangailangan ng komprehensibong lápit kasama ang pagtingin mula sa mga polisiyang makakotse at impraestruktura. Aming pinaninindigang ilatag na ang promosyon ng pagpapaunlad sa publikong sektor ng transportayson ay magiging mas mabuti para sa kalikasan, sapagkat di na kakailanganin ng mga pribadong may-ari ng sasakyan ang kanilang mga kotse para lámang makarating sa kanilang paroroonan sa tamang oras.

Pílit ibinabaon ng programa sa malalim na pagkakautang ang mga manggagawang pantransportasyon. Ang mga operator ng jeep na lalahok sa PUVMP ay di lámang kinakailangang iretiro ang kanilang de-gas na sasakyan, kundi kinakailangan din nilang bumili ng modernized na jeep, na P2.5 hanggang P5 milyon ang halaga, upang magtuloy sa matapat na paglilingkod nila sa Filipinong komyuter. Dagdag pa, pabibigatan sila ng pangangailangan na magbuo ng mga kooperatiba/korporasyon, paglikha ng sariling terminal at motor pool, at isama pa ang ibang kaugnay na gastos sa pagtugon sa modernisasyon. Kung walang epektibo at patas na loan program para sa mga naghihirap na operator, ibabaon ng PUVMP ang mga manggagawang pantrasportasyon sa mas malalim pang utang—na magbibigay-daan sa paghawak ng sektor ng malalaking korporasyon at indibidwal na wala sa isip ang tapat na serbisyo publiko kundi ang pagkita mula sa sitwasyon. Mula pa noong 2017, 9,813 unit ng modernized na jeep ang pinatakbo, 3.27% porsiyento lámang ng 300,000 na jeep sa buong bansa bago ang pandemya.

Di patas na papasanin ng mga komyuter ang bigat ng gastos sa modernisasyon ng PUVMP. Hindi malayong magresulta ang malaking pinansiyal na investment mulang jeepney driver at operator sa mas mataas na singil sa pasahe, na ang minimum ay nasa pagitan ng P40.00 at P50 kapag in-adjust sa kasalukuyang inflation, upang mabawi ang kanilang gastos. Direktang maapektuhan nito ang ordinaryong komyutersa malaking taas na ito sa gastos, ngunit sa pangmahabaan, maapektuhan rin nito ang presyo ng mga lokal na bilihing nakaasa sa publikong transportasyon para sa logistiks.

Hiramin natin ang sinabi ng Makò Micro-Press: “Paano nating muling mababawi at mapahahalagahan ang naratibo ng progreso, paglago, at pag-unlad kasama ang klima, paggawa, at mobilidad bilang mga pundasyon?”

Bilang pinakamataas na inihalal na opisyal, humihiling kami na maglabas kayo ng Executive Order na nagkakansela sa Franchise Consolidation deadline ng mga jeepney. Nakasalalay sa desisyong ito ang kabuhayan ng mga driver, operator, at kanilang pamilya’t lumilikha ng pangangailangan sa kolaboratibong muling pagsusuri ng PUVMP para sa isang patas, transisyong pinangungunahan ng komunidad, at para matugunan ang pinakaagarang pangangailangan ng ating mga bulnerableng mamamayan.

Kalakip ang kalinga at nagliliyab na lunggati,

Ad Hoc na Koalisyon ng mga Manlilikhang Filipino para Mailigtas ang Jeepney

Signed: 

Kwago / Purveyr / Freelance Writers Guild of The Philippines / Tarantadong Kalbo / Czyka Tumaliuan / Marvin Conanan / Raffy Lerma / Dan Matutina / Didi Nyunyu / Amiel Louise Rivera / Narod Eco / Jilson Tiu / Makò Micro-Press / E.L. Guerrero / Roma Estrada / Julius Sempio / Niño Oconer / Mayday Multimedia / Tel Delvo / Mervin Aquino

 

MAGPASA NG LARAWAN

TINGNAN ANG MGA LARAWAN

Privacy Preference Center